________________
ni Kathlene G. Aquino

Introduksiyon

May mga bagay na hindi namamatay. May mga pinapangarap o mga nilalayong pilit na inaabot ang katuparan. Ganyan ang Legionarios del Trabajo. Pilit na isinasakatuparan ang isang pangarap o layuning nauna nang ipinahayag at pinasimulan ni Dr. Jose Rizal at ang samahang Katipunan ni Andres Bonifacio. Ang Legionarios del Trabajo ay ang pagpapatuloy ng isang mithiing matagal nang inaabot---isang lipunang malaya. Malaya sa opresyon. Tunay na kalayaan na maaabot lamang sa pamamagitan ng isang malinis o mabuting kalooban, na nakaagapay naman sa pakikipagkapatiran at pagmamahal sa kapwa.

Noong una, akala ko ang Legionarios del Trabajo ay katulad din ng mga militanteng kapatiran o organisasyon na umusbong sa unang mga dekada ng pamamahala ng mga Amerikano sa Pilipinas. Kadalasan ang tema lamang ng mga organisasyong ito ay pulitikal, ang paglaban, kadalasan, sa gobyernong Amerikano at sa lahat ng representasyon nito. Ang Legionarios del Trabajo ay naiiba. At ang kaibhang ito sa iba pang samahang umusbong ay siya namang pagkakatulad niya sa isa pang kapatiran na nauna dito, ang Kataas-taasang Kagalangagalang na Katipunan ng mga Anak ng Bayan o Katipunan ni Andres Bonifacio. Gayundin naman, hindi maitatakwil ang impluwensiya ni Dr. Jose Rizal sa dalawang samahang ito.

Layunin ng papel na ito na ipakita ang ugnayan sa isa’t-isa nina Jose Rizal, ang Katipunan at ang Legionarios del Trabajo. Pag-uukulan ng pansin ang diwa ng kabutihang-loob[1] at ang manipestasyon nito---ang pakikipagkapatiran at pagmamahal sa kapwa, ang mga taling nag-uugnay sa bawat-isa.

Bagaman at nagpatuloy sa mahabang panahon ang Legionarios del Trabajo, ang pokus ng papel na ito ay ang mga unang taon lamang ng pagkatatatag ng kapatiran, mula 1918 hanggang dekada ’20.


Ang Legionarios del Trabajo at ang Unyon

Sa aklat ni Renato Constantino[2], ipinapahiwatig niya na ang Legionarios del Trabajo (LDT) ay isang unyon o may mga simulaing tulad ng unyon. Ayon sa kanya ang LDT ay itinatag noong 1919, bilang produkto o resulta ng naganap na istrayk ng mga manggagawa laban sa Manila Electric Company. Maliban dito inilahad rin niya na ang samahan ay may mga simulaing masoniko at pagkamakabansa. Ayon din sa kanya, isa sa mga tagapagtatag ng samahan ay si Crisanto Evangelista (maliban kay Domingo Ponce at iba pang kasamahan), na umalis din sa samahan dahil daw sa isyu ng paggamit ng mga masonikong ritwal. Pinabulaanan naman ito ni Domingo Ponce, isa sa mga tagapagtatag ng samahan at kinikilalang Dakilang Patnugot o Gran Legionario. Ayon sa kanya, si Evangelista ay kasama sa mga pulong na isinasagawa nang binubuo pa lamang ang samahan noong mga unang buwan ng 1918, kasama sina Potenciano Salita, Pio Santos, Melanio de Jesus, Agrifino Farol.[3] Gayunpaman, umalis si Evangelista, ayon sa kanya, nang kusang-loob dahil sa mga trabaho niya bilang pinuno sa Union de Impresores.

Sa tingin ko, maaaring tumiwalag nga talaga si Crisanto Evangelista, hindi lamang dahil sa pag-angkop ng samahan ng mga masonikong ritwal, kundi dahil sa mas malalim pang dahilan. Sa tingin ko, bagaman at ito ay haka-haka lamang, umalis si Evangelista dahil ang simulain ng Legionarios del Trabajo ay taliwas sa isinusulong niyang simulain. O puwede ring sabihin na pareho sila ng simulain, at ito ay ang pangangalaga sa kapakanan ng mga manggagawa, subalit magkaiba ang mga kaparaanan. Militante ang kaparaanan ni Evangelista. Itatatag niya pagkatapos ang Partido Komunista ng Pilipinas.

Samantala, dahil rin sa malawakang pag-usbong ng iba pang samahan na kumakalaban sa Gobyernong Amerikano sa panahong iyon at ang paggamit nito ng isyu ng komunismo para pigilan ang paglaganap ng mga samahan, nadawit ang Legionarios del Trabajo. Inakala itong isa ring komunistang samahan.[4] Umabot pa ang kaso sa Court of First Instance[5], subalit napawalang-bisa din ang kaso, ayon na rin kay Domingo Ponce. Nagpapatunay ito sa pag-aakalang ang Legionarios del Trabajo, kundi man isang unyon, ay isang samahan na mala-unyon.
Madali nga namang akalain na ang Legionarios del Trabaho ay isang unyon, lalo pa at mukhang sa panahong itinatatag ito ay nag-uusbungan din ang maraming unyon at mga samahang manggagawa. Pangalan pa lamang ay tunog unyon na. Legionarios del Trabajo. Mga Kawal ng Paggawa. Kapatiran ng mga Malalayang Manggagawa o Anakpawis. Ang pinakapinagtutuunan ng pansin ay ang Paggawa at ang mga Manggawa. Ang LDT ay may “pagnanasang makatulong sa pagbabagong buhay ng mga manggagawa…”[6]

Gayunpaman, nilinaw ni Domingo Ponce na ang LDT ay hindi isang unyon.[7] Isa itong kapatiran na ang layunin ay ang pagsasapamuhay ng mga prinsipyong moral, pagkakawang-gawa at pagkamakabansa. Bagaman at layunin nitong makatulong sa mga manggagawa at mapabuti ang kanilang kalagayan, ito ay matatamo sa pamamagitan ng pagsasapamuhay ng mga prinsipyong moral, pakakawang-gawa at pagkamakabansa. Gayunpaman, hindi nito tinututulan ang mga miyembro o kapatid na sumali sa mga unyon o magtatag ng mga sariling unyon. Sa katunayan ay makakaasa pa nga ng tulong moral at pinansiyal mula sa kapatiran kung kinakailangan.

Mapapatunayan ang ganitong pananaw sa buwanang pahayagan ng LDT---ang Bagong Buhay. Kung talagang simulaing pang-unyon ang isinusulong ng kapatiran ay makikita na sana ito sa mga artikulong nasusulat sa pahayagan. Lalo pa at ang pahayagan ang “bibig” at “tagapagtanggol” ng samahan.[8] Subalit hindi naman. Sa katunayan, sa mga lumabas na edisyon ng pahayagan mula Oktubre 1922 hanggang Agosto 1923, ang mga unang edisyon ng pahayagan, mas kapansinpansin ang mga artikulong nagpapasaring sa Simbahang Romano Katoliko.[9] Wala man lamang artikulo na lumabas na tumututol sa pamahalaan o sa mga negosyante hinggil sa karapatan ng mga manggagawa tulad ng pagtaas ng sahod o pagbawas sa oras ng pagtatrabaho.

Kung gayon, kung hindi unyon, ano ba talaga ang kapatirang Lehionarios del Trabajo? Ang sagot ni Ponce, isang lihim na organisasyon. Isang lihim na organisayon na may mga sagisag, taguri at kasangkapan.[10]

Ayon kay Ponce, isinilang ang LDT sa dalawang kadahilanan---kadahilanang may kinalaman ang wikang Tagalog at sa karalitaan.

“Ang dangal at puri ay hindi na bagang maaaring mamugad sa pusong hindi makapagsalita kungdi wikang Kastila’t Ingles lamang? Wala na kayang taong marangal at may matuwid sa mga gumagamit ng wikang sarili lamang? At sa mga maralita, diyan sa tahasang sumusunod sa mga aral ng Dakila’t Kauna-unahang Manggagawa sa Daigdig, na sa pawis ng iyong noo nanggagaling ang iyong kakanin, ay wala rin kayang karapatan na tumanggap ng mga biyayang dapat na tamuhin ng mga nasasapi sa mga karapatang kauri ng Lehion?”[11]

Hindi nagustuhan ni Ponce ang pagbabawal sa paggamit ng Tagalog sa ibang kapatiran (Ito yung sinasabi ni Constantino na pagkamakabayan ng LDT.). Gusto rin niyang magtatag ng kapatirang para sa mga mararalitang tao, isang reaksiyon sa mga elitista at eksklusibong mga organisasyon noong panahaong iyon.


Ang Legionarios del Trabajo at ang Masoneriya

Isa sa pinakakalaban ng LDT ay ang Simbahang Katoliko.[12] Ito ay sa dahilang isa itong lihim na organisasyon. Ang ganito namang reaksiyon ng Simbahan sa mga lihim na samahan, partikular na sa Masoneriya, ay isa nang tradisyon na nag-ugat pa sa panahon ng mga Espanyol. Ipinagtanggol naman ni Domingo Ponce kung bakit pinapanatili ang pagiging lihim ng samahan. Ayon sa kanya, ito ay sa kadahilanang hindi mauunawaan ito ng mga hindi kasapi at magdudulot lamang ito ng hindi pagkakaunawaan at kaguluhan.[13]

Gayunpaman, hindi maitatanggi na ang LDT ay naimpluwensiyahan ng Masoneriya. Ang pagiging lihim na samahan nito ay isa nang patunay. Idagdag pa ang mga simulain nitong Kalayaan, Pagkakapantay-pantay, at Pagkakapatiran.[14] Ito ang tatak ng Masoneriya. Gayundin ang ang mga simbolong ginagamit nito. Isang halimbawa ay ang larawan ng kompas na matatagpuan sa Blue Book[15] ng LDT. Isa ang simbolong ito sa mga prominenteng simbolo ng Masoneriya.[16] Gayundin ang kagamitan o paraphernalia at mga ritwal na isinasagawa sa mga inisasyon na madalas ay nagpapahiwatig ng malalim na simbolismo. Halimbawa: pagpiring sa mga initiates, paghuhubad, pagpapasok sa loob ng kapilya at pagpapainom ng “lason,” paglalagay ng punyal sa ibabaw ng puso, pagsusuot ng medalya[17] at pulang sintas, at pagsusuot ng bonete.[18] Lahat ito ay may malalim na pakahulugan para sa kapatiran.

Nakabase din sa Masoneriya ang organisasyon sa loob ng kapatiran: Ang Dakilang Patnugot o Gran Legionario ang pinakapinuno ng kapatiran; may Dakilang Kapulungang Lihim na binubuo ng Dakilang Patnugot, Taga-ingat Lihim at Taga-ingat Yaman at dalawa pang miyembro; may Kataastaasang Lipunang Pangbansa na binubuo ng mga miyembrong nasa grado 30, 31, 32, 33 at pinangungunahan ng Dakilang Patnugot; may Sanggunian ng mga Bayani na binubuo ng mga nasa grado 17, 21, 23, 24 at pinamumunuan ng Bayani o Gran Caballero; may Katipunan sa Pagpapatalino na binubuo ng mga nasa grado 9-16 at pinangungunahan ng Kagalanggalang na Maharlika; at ang pinakamababa sa orgainsasyon, ang Kagalanggalang na mga Lohia na pinamumunuan ng mga Mararangal na Guro; bukod pa rito ay may mga kalihiman sa Pananalapi, sa Katarungan, sa Paglalamay at Rito, sa Kawanggawa, at Pagsisiyasat.[19]

May isa pang mahalagang katangian ang LDT na hango din sa Masoneriya. Ayon kay Ponce, ang Legionarios del Trabajo ay bukas sa lahat. Basta’t naniniwala sa Diyos.[20] Pero nilinaw niyang ang tinutukoy na Diyos ay hindi Diyos ng mga Katoliko o ng mga Protestante o ng mga Muslim. Basta Diyos. Ang Unang Manggagawa.[21] Walang isinusulong na anumang relihiyon o denominasyon.

Bagaman at matamang sabihin na naimpluwensiyahan nga ng Masoneriya ang LDT, hindi naman nagtatapos dito ang analisis. Sa tingin ko, ang pag-aangkop ng mga katangian ng Masoneriya ay isang “means” o pamamaraan para makuha ang isang “end” o bunga. Nakatulong sa pagpapanatili ng pagkakaisa sa loob ng samahan at sa pag-akit ng mga kasapi ang pag-angkop ng mga katangian ng Masoneriya. Ganito rin ang ginawa ng Katipunan.[22]


Gutta Cavat Lapidem

Gutta Cavat Lapidem. Ito ang mga salitang makikita sa logo ng Bluebook at pahayagan ng Legionarios del Trabajo, kasama pa ang ibang sagisag tulad ng kompas at timbangan. Sa Ingles, “Constant drops of water can break a rock.”[23] Nagpapakita ito ng pagpupursige sa anumang layunin, ng determinasyon sa paghahatid ng pagbabago, kahit na maliit lamang ang tingin sa sarili. Sa sariling salita ni Domingo Ponce:

“Ang aming mga gawain ay maaaring maliit, ang kapatirang ito’y binubuo din ng mga maliliit, an gaming kakayahan ay parang maliliit din, ngunit sa ibabaw ng kaliitang iyan, kailanma’t nilakipan ng tiyaga, sipag, at talino ay makakaukit din an gaming kaliitan, ng lalong matitigas na bato. Ang patak ng tubig ay siyang huwaran. Gasino ang mga patak ng tubig na may iba’t ibang pook na pinupuntahan? Walang anoman. Dinadala ng hangin. Datapwat ang mga patak ding iyan ang nakaagnas sa lalong matitigas na bato na kapag pumapatak na na panay sa isang pook lamang.”[24]

Ang pinapangarap ay isang Daigdig na pinaghaharian ng Kalayaan, Pagkakapantay-pantay, at Pagkakapatiran.[25] Ang tatlong simulaing ito ay ang LIWANAG ayon Juan Arsciwals, punong patnugot ng Bagong Buhay.[26] Ang taguri naman dito sa mga simulaing ito ni Ponce ay Demokrasya. Ayon sa kanya, ang demokrasya ay isang “katutubong halaman.”[27] Hindi ito hinango mula sa labas. At hindi rin totoo na dinala ito sa atin ng mga Amerikano. Ang ideya ng demokrasya ay nasa Pilipinas na bago pa man dumating ang mga Amerikano. Pinatunayan ito ni Andres Bonifacio at ng kanyang Katipunan na may hangaring pagkakapantay-pantay ng lahat ng tao sa kabila ng pagkakaiba ng kulay o lahi. Ipinagpatuloy ito ni Emilio Aguinaldo, ayon sa kanya, sa kanyang Republika ng Malolos, dahil ipinaghiwalay ang Estado at Simbahan. Ipinagpatuloy pa itong lalo ng mga Amerikano nang dumating sila.

Sa mga ganitong pahayag ni Domingo Ponce masasabi kong hindi pulitikal ang oryentasyon ng kapatiran. Hindi naman ang Gobyernong Amerikano o sa Estados Unidos mismo ang puntirya. Mukhang masaya pa nga si Ponce na sabihin na maraming mga Legionarios ang tumulong sa mga Amerikano noong digmaan laban sa Hapon.[28] Ayon pa sa kanya: “Iginagalang ko ang Gobernador-Heneral sa kasalukuyan at lalo pa man ding iginagalang ko ang Dakilang Watawat ng Mapagpalayang Bansang Amerikano ngayong sumasakop sa ating bansa.”[29] Kung tutuusin, hindi tinitingnan na hudyat ng pagkawala ng demokrasya ang pagdating ng mga Amerikano.
Ang Liwanag o Demokrasya o Kalayaan[30] ay hindi nakasalalay sa Estados Unidos o sa Gobyerno. Ang Liwanag o Demokrasya o Kalayaan ay hindi tumutukoy sa pulitikal na pakahulugan. Ang mga ito ay nasa aspetong moral.

Sa tingin ko, ito rin ay ang Kalayaang hinahangad ng Katipunan ni Andres Bonifacio at ni Jose Rizal. Iyon nga lamang at “prerequisite” ng Kalayaang isinusulong ni Bonifacio ang paghiwalay mula sa Espanya, kaya naganap ang Rebolusyon ng 1896, samantalang ang LDT ay hindi na nakita pa ang pangangailangan pa ng paghiwalay sa Estados Unidos. Gayunpaman, pareho ang tinutungo ng dalawa-Kalayaan mula sa opresyon, Kalayaan mula sa kadiliman (Liwanag), isang moral na lipunan na Malaya dahil iginagalang ang mga karapatan at kalayaan ng mga tao, may pagkakapantay-pantay at pagkakapatiran at pagmamahal sa kapwa. At ito ay maaabot lamang sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mabuting kalooban.

Ang isang Lehionario:
“…sa loob ng kadiliman, ay sulong pananglaw; sa masukal na landas ng buhay ay kasangkapang panggamas; sa loob ng kaligaligan ay tagapamayapa; sa mahihina ay gabay; sa mga bulag ay taga-akay; sa mga api ay katulong; sa mga nangangailangan ay pangagdong; sa mga masasama ay kaaway; sa pagtupad ng tungkulin ay uliran; sa harap ng katarungan ay tapat na alagad; at sa kanyang Inang Bayan ay anak na tagapamasakit, na laang mamuhunan ng buhay…”[31]

Malinis na kalooban. Ang manipestasyon ng malinis na kalooban ay pagtulong sa kapwa at pakikipagkapatiran. Ang hinahangad na simulaing Kalayaan ay maabot sa pamamagitan ng pagkakaroon ng malinis na kalooban. At ang pagkakaroon ng malinis na kalooban ay ipinapakita ng isang matulunging puso.

“Ang Lehionario ay walang dapat na harapin sa tuwituwina kungdi ang tumulong sa kagalingan ng kapwa…makatulong sa kapwa, matangkikik ang mga maralita at mailigtas sa kapangyayaan ang mga balo, ulila, at matatanda…”[32]

“Ang samahang ito ay isang kapatiran. Tinatawag na kapatiran iyong mga samahang nagtuturo na ang kapwa ay kilalanin at ituring na Kapatid, yaong mga samahang nag-aakay sa tao sa lalong ikadadakila niya; yaong mga samahang ang iniaaral at isinasagawa ay ang pagdadamayan at pagkakawanggawa.”[33]

Sa unang labas ng pahayagan ng LDT ay ipinalabas ang ganitong anunsiyo:

“Sa loob ng Kgg. At Mgl. na Lohia “Pasong Santol” Blg. 141 ay minsan pang nakilala at tunanghal ng madla ang bias ng kapatiran.

“Ang may bahay ng isang Aralan, kap. Na Gabriel Aledia, ay tumutugon sa tawag na Juliana Diaz ni Aledia, ang buhat pa sa pagkakasakit, matapos makapanganak, ay hindi pinabayaan ng lahat at bawa’t isang kabilang sa “Pasong Santol” Blg. 141, lalonglalo na ng Mgl. na Guro, Kap. Na Dionisio Añonuevo, na siyang nangalagang masakit sa paggamot at paghahatid sa Ospital Heneral; at dahil sa sadyang tinawag na ng Dakilang Manggagawa sa kanyang sinapupunan, paano mang pagkapangalaga at pagsusmakit ang ginawa nila upang mailigtas sa kamatayan ay hindi rin naagaw; kaya’t noong ika 8 ng Septiembre ay ginanap nila ang paghahatid sa huling hantungan sa Kawit, Kabite; at sa kanilang tapat na pagdadamayan ay kinaludan at hinangaan ng lahat na nakamalas sa gayong matamis na pagkakapatiran. Ang dalawang bunsong naiwan sa Kap. Na Aledia ay hindi pinababayaan ng Lohia; at sa supot ng kawanggawa ay laging may kaukulang abuloy at pangangalaga.”[34]

Narito pa ang isa: Ang LDT sa Cebu ay nagdaos ng “Baile de Caridad” noong Enero 1, 1923. Ang perang nalikom, higit isang libong piso, ay ipinamahagi sa mga nangangailangan: 200, sa Bayanbayan ng mga Ketongin sa Kulion; 300, sa Ketongin sa Carreta; 300 sa “Maternity House” ng Club de Mujeres; 100 sa Samahang Anti-tuberculosa at mga pulubi.[35]

Ang paglalathala ng mga ganitong gawi ng mga miyembro ng kapatiran upang magsilbing halimbawa ay nagpapakita sa pagsusulong sa prinsipyo ng kawang-gawa na nagpapakita naman ng pagmamalasakit sa kapatid at sa kapwa.


Ang Batayan at ang Kartilla: Ang Legionarios del Trabajo at ang Katipunan

Ang sumusunod mga aral ng Legionarios del Trabajo, ang Batayan:


(1)Ibigin ang Diyos at ang Bayan ng higit sa pag-ibig sa sarili; ang Diyos pagka’t siya ang Dakilang Manggagawang nagsimula sa lahat, at ang Bayan pagka’t siyang pinaghahantungan ng buhay, kalayaan, at katahimikan;

(2) Ang pag-ibig ay nakikilala sa tumpak na pagtupad sa tungkulin; ang Pag-ibig ay wala sa may masamang hangarin at lisyang kilusan, ang Pag-ibig ay siyang naguudyok sa sino pa man sa lalong mga dakila at banal na gawain;
(3) Ang manggagawa ay hindi isang makinang gumagalaw o pinagagalaw lamang. Ang manggagawa ay tao, may puri at kaluluwa na walang pinagibhan sa puri at kaluluwa ng mga hari at mayayaman;
(4) ng taong naglalagay ng kanyang pag-asa sa magagawa ng iba ay pumapatay sa tanging pagasang makapagliligtas sa kanya: pagasa sa sarili (self-help);
(5) Sa alin mang pakikibaka, ang sa mahirap at mayaman ang siyang totoong alangan. Dahil diyan, sa ibabaw ng lahat ng katwiran, ang mahihirap ay may tungkulin pang mahigpit na magpakatatag at magsapisapi, pagkat diyan nasasalig ang kanilang Lakas at Karangalan;
(6) Ang lahat ay tunay na magkakapatid. Walang hangganan ang mga bansa. Ang lupang tinubuan nati’y ang sangdaigdig. Subalit hindi masama ang gumawa ng tungo sa ikapananahimik at ikaliligaya ng bayang kinamulatan na siyang tahanan nati’t ng ating mga anak at apo;
(7) Ang lahat ng pangkatin sa politika at pananampalataya ay pantaypantay. Sila’y paraparang nauukol lamang sa isang Mithi, bagama’t iba’t ibang landasin ang tinatahak kaya’t ipinagbawal sa sinapupunan ng Lehion ang pag-uusap o pagtatalo ukol diyan;
(8) Ang politikang walang kulay na pagbubukobukod o pagtatangitangi, ang politikang panglahat at nauukol sa kapakanan ng boong sangbayanan ay maaring pag-usapan at yakapin. Manapa’y magiging isang tungkulin ng Lehion ang bagay na iyan, pagka’t siya’y kawal na tapat ng Kalayaan at Pakikipagkapatiran;
(9) pakilusin at palusugin ang Katauhan, hanggang sa dako pa roon ng mga karaniwang tuntunin, ay siyang tungkulin ng mga Manggagawang Malalaya;
(10) Uliranin ang may mabubuting loob, ibigin ang mga mahina, itakuil ang mga masasama, ngunit ang sinoman ay huwag ipagtatanim. Huwag manuya sa mga kapatid na nagkakamali, turuan silang malumanay, igalang at tangkilikin ang tanang matanda, bata, at mga ulila;
(11) Sikaping maging isang mamamayang karapatdapat. Dahil diyan ang sinomang dayhan ay dapat tulungan at kalian ma’y di dapat samantalahin ang kanyang kahinaan;
(12) Igalang at mahalin ang mga magulang; ang asawa’y ituring na tunay na kapatid sa hirap at kasayahan, at siya’y dapat mahalin na gaya nang pagmamahal sa sarili. Papag-aralin at tangkilikin ang mga anak, at tantuing nasa Karunungan ang Kabihasnan at Kaligtasan sa haharapin ng mga bata. Ang anak na nahuhubog ang pagiisip, maliit pa, sa palihan ng magagandang halimbawa, ay karangalan ng kanilang magulang at ng boong bayan;
(13) Igalang at ipagtanggol ang Kapisanang kinabibilangan. Lahat ng paggalang at pagtatanggol na maiiukol sa kinaaanibang Samahan ay ikararangal mo’t ikapupuri. Kung ang isa nang kasapi ang unaunang kumukutya at naglalaro sa kapisanang kinaaaniban niya, ang kapisanang iyan ay hindi dapat na umasang igagalang at kikilalanin ng kapuwa niya kapisanan.


“Kung ang lahat ng Batayang ito ay natutupad na, ay matatapos na ang digmaan sa ibabaw ng lupa, at ang pananalat, ang paghihikahos at iba pang kalagimlagim na pangyayari’y mawawala na…”[36]

Samantala, narito naman ang mga aral ng Katipunan. Malimit inilalathala sa Baong Buhay ang mga aral ni Andres Bonifacio at ng Katipunan lalo na ang Bagong Buhay noong Agosto 1923, marahil para gunitain ang pagputok ng Rebolusyon ng 1896 noong Agosto 1896, ay inilathala ang mga “Aral ng Katipunan.”[37] Ang mga aral na ito ay kilala bilang Kartilla at ang mga ito ay akda ni Emilio Jacinto:


(1) Ang buhay na hindi nakaalay sa isang dakila at sagradong kusa ay parang punong walang anino, kundi man isang makamandag na damo;

(2) Ang isang magandang gawa na nagmula sa kagustuhang pagbutihin ang sarili at hindi sa kagustuhan gumawa ng mabuti ay hindi kabaitan;
(3) Ang tunay na kadakilaan ay ang pagkawanggawa, ang pag-ibig sa kapwa at ang isukat ang bawat kilos gawa’t pangungusap sa talagang katwiran;
(4) Ang lahat ng tao ay pantay-pantay, maging itim man o puti ang kulay ng balat. Ang isang tao ay maaaring superyor sa isa pang tao sa kaalaman, kayamanan at kagandahan pero hindi sa pagkatao;
(5) Ang taong marangal ay uunahin ang karangalan kaysa pansariling pansariling interes, ang taong palalo ay uunahin ang pansariling interes kaysa karangalan;
(6) Sa taong may kahihiyan, may tapat siya sa kanyang salita;
(7) Huwag sayangin ang panahon; ang nawalang kayamanan ay maari pang ibalik ngunit ang nawalang panahon ay hindi na;
(8) Ipagtanggol ang mga naaapi at labanan ang mga nang-aapi;
(9) Ang taong matalino ay maingat sa kanyang pananalita at marunong magtago ng lihim;
(10) Sa mabatong daan ng buhay, ang lalake ang gabay ng kanyang asawa at anak; kung ang gabay ay papunta sa dilim, gayundin ang kanyang asawa’t anak;
(11) Ang babae ay ituring hindi laruan kundi isang katuwang sa kahirapan ng buhay. Igalang siya sa kanyang kahinaan, at alalahanin ang inang nagsilang at nag-aruga sa iyo sa iyong kabataan;
(12) Huwag mong gawin sa asawa, anak, kapatid na babae ang anumang ayaw mong gawin sa iyong asawa, anak at kapatid na babae;
(13) Ang kamahalan ng tao ay wala sa pagiging hari, wala sa tangos ng ilong at puti ng balat, wala sa pagkaparing kahalili ng Diyos, wala sa mataas na kalagayan sa balat ng lupa; ngunit wagas at tunay na dakila ang taong, kahit laking gubat, ay may matuwid na katauhan; siyang tapat sa kanyang salita; siyang may dignidad at karangalan; siyang hindi nang-aapi at hindi tumutulong sa mga nang-aapi; siyang marunong mag-aruga at magmahal sa kanyang bayang tinubuan.[38]

Ang paglaganap ng mga aral, ayon pa sa Kartilla, ang umpisa ng Kalayaan.

Makikita ang pagkakapareho sa mga aral ng dalawang samahan. Sa mga aral bilang 3 at 4 ng Batayan at sa aral bilang 4 ng Kartilla, makikita ang pagbibigay ng dignidad sa karaniwang tao. Sa konteksto ng LDT, ang mga manggagawa. Sa konteksto ng Katipunan, ang mga indio. Sa kabuuan, ang mga aral na ito ay naglalayong hubugin ang mga miyembro na magkaroon hindi lamang ng dignidad at mataas na pagtingin sa sarili (sa kabila ng mababang pagtingin sa kanila sa lipunan), kundi magkaroon ng tuwid na Katauhan. Ang tuwid na katauhang ito ay nakasalalay sa pagkakaroon ng kabutihang-loob. Ang kabutihang-loob ay ipinapakita sa pagmamahal sa kapatid at sa kapwa. Kapansin-pansin sa mga aral ng dalawang samahan ang laging pagbanggit sa mga salitang “lahat ay magkakapatid (aral 6 ng Batayan)” o “ibigin ang mga mahihina (aral 10 ng Batayan)” o “tunay na kadakilaan ay ang pagkawanggawa, ang pag-ibig sa kapwa (aral 3 ng Kartilla)” o “ipagtanggol ang mga naaapi (aral 8 ng Kartilla).


Ang Susi ay si Dr. Jose Rizal

Gayon na lamang ang pagdakila ng LDT kay Jose Rizal. Ayon kay Ponce, ang mga isandaang porsiyento na Lehionaryo ay dapat sumunod at isapamuhay ang mga turo ni Dr. Jose Rizal.[39] Kung tutuusin, halos ganito rin ang pagdakila kay Rizal ng Katipunan. Hindi ba at ginawa siyang pangulong pandangal ng Katipunan at isinisigaw ang kanyang pangalan pagkatapos ng mga pagtitipon? Idolo ni Bonifacio si Rizal. Isinalin niya sa wikang Tagalog ang tulang “Mi Ultimo Adios” ni Rizal. Dito pa lamang makikita na kung gaano kalalim ang impluwensiya ni Rizal sa Katipunan at sa Legionarios del Trabajo. Sa tingin ko ang pinakaesensiya o katuturan ng dalawang samahan, ang kanilang mithiin ay nakaangkla kay Jose Rizal.


Ano ba ang paniniwala ni Rizal na nakaimpluwensiya at humubog sa dalawang samahang ito?

Nagkaroon na ng napakaraming pag-aaral kay Jose Rizal at ang naging papel nito sa kasaysayan lalo na sa Rebolusyon ng 1896 at sa Katipunan ni Andres Bonifacio. Sa katunayan, karamihan sa mga lumabas na pag-aaral, mga teksto ng kasaysayan[40] ay nagsasabi na magkatunggali ang paniniwala nina Rizal at Bonifacio, dikotomiya ika nga ng Propaganda/reporma at Rebolusyon/Kalayaan. Subalit habang tumatagal, mukhang mas napapatunayan na pareho ang paniniwala nina Rizal at Bonifacio at malaki ang posibilidad na hinango ni Bonifacio kay Rizal ang paniniwalang ito.

Isa si Floro Quibuyen[41] sa nagbigay ng bagong interpretasyon kay Rizal. Ayon sa kanya, pareho ang konsepto ng nasyon at kalayaan nina Rizal at Bonifacio. Ang ideya ng nasyon ni Rizal ay isang lipunang moral (moral society), kung saan ang bawat miyembro ay may mabuting kalooban at may tungkulin (sa pamamagitan ng commitment) tumulong sa kapwa tungo sa ikabubuti ng lahat (common good).[42]

“Kung walang kabutihang-loob (virtue), walang kalayaan.”[43] Ito ang pahayag ni Rizal sa kanyang sulat kay Baldomero Roxas. Muli niya itong inulit sa pamamagitan ni Padre Florentino sa kanyang nobelang El Filibusterismo, habang kinanakausap nito ang malapit nang mamatay na si Simoun: “…kung ang bansa nati’y maging Malaya man balang araw, ito ay hindi sa pamamagitan ng krimen at bisyo, o korupsiyon ng mga anak nito…ang kaligtasan (redemption) ay nakasalalay sa kabutihang-loob; ang kabutihang-loob ay nakasalalay sa sakripisyo; at ang sakripisyo sa pag-ibig!”[44]

Hindi ba at ganito rin ang paniniwala at siyang isinasakatuparan nina Andres Bonifacio at Domingo Ponce?


Tagumpay ng Legionarios del Trabajo

Gaano ba katagumpay ang Legionarios del Trabajo, kung ang tagumpay ay nasusukat sa dami ng miyembro ng samahan?

Ang mga unang lohia ng kapatiran ay binuo sa Kamaynilaan, partikular sa Quiapo at mga karatig na lugar. Marahil dahil tagrito naman si Domingo Ponce at ang mga kauna-unahang pagpupulong ay sa bahay niya ginanap.[45] Gayunpaman, madaling kumalat ang samahan sa buong kapuluan. Pagdating ng Oktubre-Nobyembre 1922, may mga lohia sa Bulacan, sa Nueva Ecija, Cavite, Rizal, Cebu, Ilocos Sur, Tayabas, Tarlac, Pangasinan, at maging sa Japan.[46] Gayundin, mga dalawa o tatlong taon matapos itatag ang Legionarios del Trabajo sa Kamaynilaan, noong 1918[47], naitatag na rin ang LDT sa Amerika.[48]

Sa katunayan, nang mailimbag ang Aklat na Ginto[49], isa sa mga hinaing ni Domingo Ponce ay ang sobrang pagdami ng mga miyembro. Imbes na matuwa siya ay nalulungkot siya sa posibilidad na kaya dumadami nang ganoon ay hindi masyadong nasiyasat ang mga ito bago tinanggap. Pakiusap niya na siyasating mabuti ang mga taong nagbabalak sumali sa Samahan bago tanggapin ang mga ito.

Ayon kay Alfred Mccoy, pagdating ng 1924, ang LDT ang pinakamalaking pambansang samahan.[50] Hindi naman mahirap paniwalaan ang ganitong pahayag, lalo pa at pagdating ng 1922 ay sumapi sa kapatiran mismong si Manuel Quezon, na ginawa pa ngang Pandangal na Dakilang Patnugot ng LDT.[51] Ilan din sa mga naging kasapi ng LDT sina Juan Abad, isang dramatista sa Tagalog at Gregorio Coching, manunulat sa Tagalog.[52]


Konklusyon

Ang Legionarios del Trabajo, bagaman at samahan o kapatirang para sa mga manggagawa, ay hindi isang unyon. Bagaman at halatang naiimpluwensiyahan ito ng mga kaugalian at ritwal ng Masoneriya, lalo pa at ang layunin nito ay ang Kalayaan, Pagkakapantay-pantay, at Pagkakapatiran. Hindi pa rin sapat na hanggang dito na lamang ang pagtingin dito.


Naniniwala ako na ang LDT ay kumakatawan sa isang tradisyong nag-umpisa pa kay Jose Rizal at sa Katipunan ni Andres Bonifacio. Ang pangarap ni Rizal ay isang malayang nasyon. Malaya dahil may mabuting kalooban ang mga tao na ipiapakita sa pakikipagkapatiran at pagmamahal sa kapwa, maging sa hindi kapatid. Walang opresyon.

Ganito rin ang pinangarap ni Andres Bonifacio sa pagtatatag niya ng Katipunan. Makikita ito sa mga Aral ng Katipunan kung saan binibigyang pansin ang karangalan ng tao at kabutihang-loob sa pamamagitan ng pagsisilbi sa kapwa at pagrespeto sa kanila.

Ganito rin sa aking paniniwala ang Legionarios del Trabajo. Hindi lamang dahil makikita sa mga sulatin ni Domingo Ponce at ng kanyang kasama ang paghanga at pagrespeto sa mga sulatin at aral ni Rizal at ng Katipunan kundi sa pangangaral ng mga prinsipyo tungkol sa kabutihang-loob tulad ng kawanggawa at pagmamahal sa kapwa na katulad ni Rizal at ng Katipunan.

Sapagkat ito lamang ang daan patungo sa tunay na kalayaan na matagal nang inaasam. Gayunpaman, ang kabutihang-loob ay hindi kapareho ng relihiyon o panatisismo, o kaya ay makukuha sa pamamgitan ng relihiyon o panatisismo. Kung kaya’t dito mauunawaan kung bakit maraming inilathalang akda na lumalaban sa Simbahang Katoliko. Ang katotohanang nagpatuloy ang tradisyong ito i.e.ang pagpapalaganap sa prinsipyo ng malinis na kalooban o kabutihang-loob sa paghangad ng kalayaan, ay nagpapakita na hindi pa naaabot ang pangarap na ito. Na wala pa rin talagang Kalayaan sa panahong iyon.

[1] “Virtue” ang ibig kong sabihin dito, at nang hinanap ko ang kasingkahulugan nito sa Filipino ay nakita ko ang sumusunod: kabutihan, kabanalan, kalinisan, kabaitan (Virgilio Almario (ed.), UP Diksiyonaryong Filipino [Pasig City: Anvil Publishing, Inc., 2001]; Leo James English, English-Tagalog Dictionary (Mandaluyong City: Congregation of the Most Holy Redeemer, National Bookstore]). Pinili ko ang kabutihan. Gayunpaman, sa tingin ko ay mas mainam na dugtungan ng salitang “loob” ang salitang ito sapagkat mas nakuha nito ang ninanais kong ipahiwatig. Ang “kabutihang-loob” na ito ay isinasalin din bilang “mabuting kalooban.”
[2]Renato Constantino. The Philippines: A Past Revisited Volume 1(Pre-Spanish to 1941) (Manila: Renato Constantino, 1975), mph. 365-366. Ang bahaging tumatalakay o bumabanggit sa Legionarios del Trabajo ay may titulong “Union and Politics.” Halaw niya ito kay Renze Hoeksema, Communism in the Philippines, Ph.D. Thesis, Harvard, 1956.
[3] Aklat na Ginto: Katipunan ng mga Ritwal, Doktrina, Batas, Batayan at iba pang mahahalagang Kasulatan ng Legionarios del Trabajo (ROFDOL) (Maynila: K.P., 1922), p. 2.
[4] Domingo Ponce, Domus Aurea: Guiding Principles of the Legionarios del Trabajo (W.F.O.O.F.W.) (February 27, 1950), p. 3.
[5] Hindi ako makahanap ng katumbas sa Filipino…
[6] Buenaventura Medina, Ang Tatlong Simulain ng Lehion, Bagong Buhay Oktubre 1922, mph. 11-12.
[7] Domus Aurea, mph.10-12.
[8] Mga Pusong na sa Kamay…Bagong Buhay, Oktubre 1922, p.5
[9] Ilang halimbawa: J.L. Arsciwals, Ang Bulag na Paniniwala: Dahilan kay Hesus, Oktubre 1922; Masakit na Biro, Sa Harap ng mga Pangyayari, Nobiembre 1922; Nasaan ang Pagkakapatiran, Ang Lihim ng Isang Kalmen, Disyembre 1922; Alfredo Shapit, Alin-alin ang mga “Bulag na Pananampalataya”?..., Buena Medina, Ang mga Hiwaga ng Pakumpisalan, Agosto 1923. Isa sa kaunaunahang kalaban ng LDT ay ang Simbahang Katoliko. Mukhang tinutuligsa ng Simbahan ang pagiging lihim nito.
[10] Domingo Ponce, Kung Bakit Ilinilihimi, Bagong Buhay, Oktubre 1922, p. 4 at 6.
[11] Aklat na Ginto, p. 1. Talumpati ito ni Domingo Ponce sa Kauna-unahang Kumbensiyong Pangbansa na ginanap sa Manila Grand Opera House noong ika-5 ng Pebrero 1922.
[12] May mga artikulo sa pahayagang Bagong Buhay na nagpapahiwatig nito. Halimbawa ay ang Los Legionarios de Cebu: Declaraciones de Nuestro Delegado Provincial, Bagong Buhay Seccion Castellana, November 1922, mph. 25-26. Samantala, inamin din ito ni Domingo Ponce, na isa sa mga kauna-unahang kalaban ng kapatiran ay ang Simbahang Katoliko (Domus Aurea, mph. 2-4).
[13] Domus Aurea, mph. 38-40.
[14] Buenaventura Medina, Ang Tatlong Simulain ng Lehion, Bagong Buhay, Oktubre 1922, mph. 11-12.
[15] Ray A. Cabanilla. Bluebook: Legionarios del Trabajo in America (Stockton: Legionarios del Trabajo in America, Inc., 1975).
[16] Tomas Dar Juan, Talinghaga at Suliraning Panlipunan ng Masoneri (Manila: J.B. Feliciano and Sons, 1953).
[17] May ibat-ibang sagisag na nakapaloob sa medalya: ahas na pinipisil ng kamay, kumpas, timbangan, ara, dahon ng makabuhay. Aklat na Ginto, mph. 19-41.
[18] Aklat na Ginto, mph. 19-41.
[19] Aklat na Ginto, mph. 115-137.
[20] Domus Aurea, p. 6.
[21] Domus Aurea, p.6.
[22] Rene R. Escalante, Philippine Masonry and the 1896 Revolution sa Ma. Luisa Camagay (ed.). Pithaya (Quezon City: Departamento ng Kasaysayan Unibersidad ng Pilipinas, NCCA, 1997).
[23] Domingo Ponce, Domus Aurea, p. 11.
[24] Aklat na Ginto, p. 15.
[25] Buenaventura Medina, Ang Tatlong Simulain ng Lehion, Bagong Buhay, Oktubre 1922, mph. 11-12.
[26] Juan Arsciwals, Saan tayo Patutungo?..., Bagong Buhay, Oktubre 1922, mph. 2 at 6.
[27] Domus aurea, mph. 2-4.
[28] Domus aurea, mph. 2-4, 14-15.
[29] Sulat ni Domingo Ponce kay Kap. OsmundoVarsobia, may petsang ika-10 ng Enero 1923 at nalathala sa Bagong Buhay, Pebrero 1923. (Medyo “ironic” nga lamang ang pagsasabi niyang “mapagpalaya” ang Estados Unidos samantalang “sumasakop” ito sa Pilipinas.)
[30] Iba ito sa kalayaan na nasa tatlong simulain ng Masoneriya, ang Kalayaan, Pagkakapantay-pantay, at Pakikipagkakapatiran. Ito ay mas malawak. Sumasaklaw sa tatlo.
[31] Patricio del Rosario, Ang isang Lehionario, Bagong Buhay Oktubre 1922, p. 23.
[32] Aklat na Ginto, mph. 2-3.
[33] Aklat na Ginto, p. 3.
[34] Sa Malabay na Pakpak ng Kapatiran, Bagong Buhay, Oktubre 1922, p. 9.
[35] Kawanggawa, Bagong Buhay, Pebrero 1923, p. 22.
[36] Aklat na Ginto, mph. 17-18. Ang pagbibigay-diin sa ilang bahagi ay akin.
[37] Tingnan ang mga edisyon ng Bagong Buhay. Lalo na ang isyu ng Bagong Buhay, Agosto 1923, kung saan may artikulong pinamagatang Ang Nag-aapoy na mga Aral ng Katipunan. Gayunpaman, si Bonifacio kinikilala nilang nilang awtor ng mga Aral ng Katipunan, samantalang ito ay ang akda ni Emilio Jacinto. Tingnan ang Teodoro Agoncillo, Revolt of the Masses: the Story of Bonifacio and the Katipunan 1996 Edition (Quezon City: University of the Philippines Press, 1956), mph. 87-89.
[38] Agoncillo, mph. 87-89. Ang pagbibigay diin ay akin. Gayundin, nakasulat sa Ingles ang mga aral na ito sa libro ni Agoncillo subalit isinalin ko sa Filipino. Bagaman at nalalaman kong ang Kartilla ay nakasulat naman ang orihinal sa Filipino, hindi ako nakahanap ng mapagkokopyahan kung kaya at isinalin ko na lamang.
[39] Domus Aurea, p. 5.
[40] Yung kina Teodoro Agoncillo at Renato Costantino ang pinakakilala.
[41] Floro Quibuyen, A Nation Aborted: Rizal, American Hegemony, and Philippine Nationalism (Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 1999).
[42] Quibuyen, mph. 159-182.
[43] Sulat ni Rizal kay Baldomero Roxas, 28 Diciembre 1889 (John Schumacher, The Propaganda Movement 1880-1895: The Creators of a Filipino Consciousness, the Makers of a Revolution [Manila: Solidaridad Publishing House, 1973]), mph. 214-215.
[44] Sarili kong translation. Schumacher, p. 240.
[45] Aklat na Ginto, p. 2.
[46] Ito ang mga nabanggit sa Bagong Buhay Oktubre at Nobyembre 1922, bagaman at walang sistematikong pagtatala na ginanap.
[47] Ito ay kung pagbabasehan ang sinabi ni Domingo Ponce na 1918 pa lamang ay may mga pagpupulong na. Maaari din namang gamitin ang petsa ni Renato Constantino, 1919, na nabanggit sa unahan.
[48] (1)Ray Cabanilla, Bluebook:Legionarios del Trabajo in America (Stockton: Legionarios del Trabajo in America, Inc., 1975). (2) Pagdating ng 1931, may 35 lohia sa Estados Unidos at binubuo ng 4500/4600 na miyembro, ito ang sabi ni Domingo Ponce kay Pres. Manuel Quezon, isa ring miyembro ng Legionarios del Trabajo sa kanyang liham dito (Ponce kay Quezon, Nov 23, 1931, Quezon Papers, Manila, National Library, 2005).
[49] Aklat na Ginto: Katipunan ng mga Ritwal, Doktrina, Batas, Batayan at iba pang Mahahalagang Kasulatan ng Legionarios del Trabajo (Maynila: K.P. 1922). Inihanda ito ng Kataastaasang Lipunang Pangbansa ng LDT.
[50] Alfred Mccoy, A Queen Dies Sllowly: The Rise and Decline of Ilo-ilo City sa Alfred Mccoy at Ed de Jesus (mga ed.), Philippine Social History: Global Trade and Local Transformation (Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 1982), p. 338.
[51] Domingo Ponce, Cronologia Filipina (1958), p. 323. Tingnan rin ang Bagong Buhay, Oktubre 1922, at ang Domus Aurea.
[52] Arsenio Manuel. Dictionary of Philippine Biography (Quezon City: Filipiniana Publication, 1955).

Bibliyograpiya:



Almario, Virgilio (ed.). UP Diksiyonaryong Filipino. Pasig City: Anvil Publishing Inc., 2001.


Agoncillo, Teodoro. Revolt of the Masses: The Story of Bonifacio and the Katipunan (1996 edition). Quezon City: University of the Philippines Press, 1956.


Aklat na Ginto: Katipunan ng mga Ritwal, Doktrina, Batas, Batayan at iba pang mahahalagang Kasulatan ng Legionarios del Trabajo (ROFDOL). Maynila: K.P., 1922.


Cabanilla, Ray A. Bluebook: Legionarios del Trabajo in America. Stockton: Legionarios del Trabajo in America, Inc., 1975.


Camagay, Ma. Luisa (ed.). Pithaya. Quezon City: Departamento ng Kasaysayan Unibersidad ng Pilipinas, NCCA, 1997.


Churchill, Bernardita (ed.). Revolution in the Provinces. Quezon City: Philippine National Historical Society, Inc.; Manila: NCCA; 1999.


__________________ at Francis Gealogo (mga ed.). Centennial Papers on the Katipunan and the Revolution. Quezon City: Manila Studies Association, Inc.; Manila: NCCA-Committee on Historical Research; 1999.


Constantino, Renato. The Philippines: A Past Revisited Volume 1(Pre-Spanish to 1941). Manila: Renato Constantino, 1975.


Dery, Luis Camara. Alay sa Inang Bayan: Panibagong Pagbibigay Kahulugan sa Kasaysayan ng Himagsikan ng 1896. Manila: National Historical Institute, 2003.


English, Leo James. English-Tagalog Dictionary. Mandaluyong City: Congregation of the Most Holy Redeemer, National Book Store.


Juan, Tomas Dar. Talinghaga at Suliraning Panlipunan ng Masoneria. Manila: J.B. Feliciano and Sons, 1953.


Ileto, Reynaldo. Pasyon and the Revolution: Popular Movements in the Philippines 1840-1910. Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 1979.


Llanes, Ferdinand (ed.). Katipunan: Isang Pambansang Kilusan. Quezon City: Trinitas Publishing, Inc., 1994.


Manuel, Arsenio. Dictionary of Philippine Biography. Quezon City: Filipiniana Publication, 1955.


McCoy, Alfred (ed.). Lives at the Margin: Biography of Filipinos Obscure, Ordinary, Heroic. Quezon City: Ateneo de Manila University Press.


_____________ at Ed de Jesus (mga ed.). Philippine Social History: Global Trade and Local Transformations. Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 1982.


Ponce, Domingo. Cronologia Filipina. 1958.


______________. Domus Aurea: Guiding Principles of the Legionarios del Trabajo (W.F.O.O.F.W.). February 27, 1950.


Quibuyen, Floro C. A Nation Aborted: Rizal, American Hegemony, and Philippine Nationalism. Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 1999.


Ricarte, Artemio. Himagsikan nang manga Pilipino Laban sa Kastila. Yokohama: 1927.


Schumacher, John, S.J. The Propaganda Movement 1880-1895: The Creators of a Filipino Consciousness, the Makers of a Revolution. Manila: Solidaridad Publishing House, 1973.


Taylor, John R.M.. The Philippine Insurrection Against the United States: A Compilation of Documents with Notes and Introduction by John R.M. Taylor. Pasay City: Eugenio Lopez Foundation, 1971. Five Volumes.



Pahayagan:


Bagoğ Buhay: Pahayagan ng Legionarios del Trabajo Kapatiran ng Malalayağ Mağgawa. Maynila, Oktubre 1922 hanggang Agosto 1923.


Hindi Nailimbag na Dokumento:


Quezon Papers. Manila, National Library, 2005.

1

View comments

Loading